
Ang pag-ibig ay parang isang laro ng taguan. Naghahanap tayo, umaasa, at naghihintay na sana’y tayo na ang susunod na matatagpuan. Ngunit hindi lahat ng oras ay tayo ang pipiliin. Sa mundong puno ng mga posibilidad, ang pagtanggi ay hindi maiiwasan.
Sa tuwing tayo’y tinatanggihan, ang unang sumasalubong sa atin ay ang sakit na ikaw ay matanggihan. Hinahayaan natin itong bumalot sa ating damdamin, nagiging sanhi ng kalungkutan at kadismayaan. Ngunit tandaan, ang mga damdaming ito ay bahagi ng proseso sa ating sarili. Ito’y ating unawain, yakapin, at hayaang magpatuloy sa anumang panahon dahil ang oras ay dadating din
Sa bawat pagkakataong tayo’y tinatanggihan, isipin na ito’y isang hakbang lang patungo sa tamang direksyon sa ating buhay. Ang bawat pagtanggi ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na matuto at magpatuloy sa ating layunin bilang isang tao
Ang pagtanggi ay hindi palaging sumasalamin sa ating pagkatao. Maaaring hindi tayo ang nais nilang maging kasama sa ngayon, ngunit hindi ibig sabihin ay wala tayong halaga sa kanila.
Ang pagtanggi ay hindi isang hadlang, kundi isang gabay na nagtuturo sa atin na magpatuloy sa ating buhay. Sa bawat pagtanggi, tayo’y natututo, lumalago, at nagiging mas matatag. Sa bawat pagsubok, tandaan na ang pagtanggi ay isang bahagi ng buhay at hindi ito nagdedepinisyon sa iyo bilang tao. Sa tamang panahon, matatagpuan din natin ang taong magpapatunay na ang lahat ng pagtanggi ay nagbunga ng isang magandang pagkakataon sayo bilang isang tao.
β Pepper Suaner